





Wikang Filipino, Pananampalatayang Agustino: Tampok sa Sabayang Pagbigkas
Ipinamalas ng mga mag-aaral mula sa hayskul ang kanilang malikhaing interpretasyon ng “Huli Na Nang Ika’y Aking Ibigin”, salin ni Ginang Camartin, mula sa panalangin ni San Agustin, sa taunang pinal na pagtatanghal ng sabayang pagbigkas sa Bulwagang San Ambrosio, na nakatuon sa pagpapahalaga at pananampalatayang Agustino.
Bukod sa karaniwang tema ng wika at nasyonalismo, tampok ngayong taon ang bagong pokus ng piyesa hinggil sa panalangin ni San Agustin na nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa pagtatanghal.
Sa unang lebel na nilahukan ng Baitang 7 at 8, nakamit ng 7B ang unang gantimpala, sinundan ng 7A, at ng 8J naman para sa ikatlong gantimpala. Sa ikalawang lebel na nilahukan naman ng Baitang 9 at 10, itinanghal na kampeon ang 10A, habang pumangalawa naman ang 9A, at pumangatlo ang 9B.
Dagdag pa sa mga pagtatanghal ng bawat baitang sa Araw ng Kapistahan ni San Agustin, nagpakitang-gilas din ang mga mag-aaral na nagkamit ng mga gantimpala sa mga paligsahang malikhaing pagkukuwento, monologo, at talumpatian bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Nagtapos ang pagdiriwang sa isang selebrasyon sa pamamagitan ng pagsayaw ng mga piling mag-aaral at kaguruan ng Erya ng Filipino. Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon ay salamin ng malalim na pagpapahalaga sa wikang Filipino at pananampalataya para sa pagkamit ng pambansang pagkakaisa.
Caption ni Natalie Grace Encina
Larawan nina Alessandra Paras, Martha Masilag, Noah Polancos, at Sean Gutierrez